MESSAGE OF PNP CHIEF PDG RONALD M DELA ROSA
Mabuhay!
Isang mapayapa at maligayang pagbati ang ipina-aabot ko sa buong puwersa ng pulisya sa lahat ng panig ng bansa sa ating makabuluhang pagdiriwang ng ika-isang daan at labing-siyam na taon ng kalayaan ng Republika ng Pilipinas.
Sa ating pagdiriwang ng ika-isang daan at labing siyam na taon ng pagkakalaya ng Pilipinas mula sa pananakop ng mga dayuhan, sana ay kailanman hindi maglaho ang alab ng nararanasang kalayaan at demokrasya ng bawat Pilipino, sa gabay ng Poong Maykapal. Ipinag-darasal ko na sana'y makamtan na natin ang pangmatagalang kapayapaan at tunay na pag-unlad ng ating mahal na bayan sa mga darating pang mga taon.
Sa ilalim ng temang "Pambansang Pagbabago Sama-samang Balikatin", ipinagdiriwang muli natin ngayon ang mga tagumpay na ating nakamtan bilang isang bansang nagbibigay kahulugan at halaga sa kalayaan, hustisya at kapayapaan.
Makaraan ang isang daan at labing siyam na taon, nararapat lamang na ipagpatuloy natin ang pagbibigay-pugay sa katapangan at kabayanihan ng mga dakilang Pilipino na nagbuwis ng kanilang buhay para makamtan natin bilang isang bansa ang Kalayaan mula sa mga dayuhan na pilit tayong iginapos sa sarili nating lupa ng apat na daang taon.
Ang katapangang ipinamalas ng ating mga bayani ang naging daan upang mabuo ang kauna-unahang malayang republika sa Asya – ang Republika ng Pilipinas, isang bansang patuloy na ipinaglalaban ang kalayaan at demokrasya.
Tayo ang mga tagapagmana ng pinakamamahal nating kalayaan na iniwan sa atin ng mga naunang salin-lahi. Bilang patunay ng ating pagkilala sa mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa ating kalayaan, nararapat lamang na ipagpatuloy natin ang kanilang nasimulan - ang paglaban para sa ating demokrasya at kapangyarihang ipagtanggol ang ating sarili laban sa mga manlulupig.
Sa panig naman ng kapulisan, masasabi kong ngayon ang tamang panahon upang patunayan natin sa mga mamamayan ang ating dedikasyon sa pagtataguyod sa mga tinatadhana ng batas, at alalayan ang pamahalaan sa layunin nitong makamtan ang malawakan at matibay na kapayapaan at kaunlaran ng ating bayan.
Ang bawat isa sa ating mga hanay na patuloy na nagpapakita ng tunay na dedikasyon sa kanilang tungkulin at tapang sa gitna ng mga hamon ang itinuturing nating mga makabagong bayani. Sila ay kasama nating nangangarap na makamtan ang isang natatanging malayang lipunan sa ilalim ng isang matibay at progresibong bansa.
Maraming salamat! Mabuhay ang lahing Pilipino! Mabuhay ang pambansang pulisya ng Pilipinas!
links:
OTHER HUMAN RIGHTS PROMOTIONS WEBSITES
PROTECTION AND PROMOTION OF HUMAN RIGHTS
-----------------------------------------------------------------------------------------------
------------------------------------------------------------
------------------------------